723 pamilya, lumikas sa patuloy na pagtugis ng militar sa Maute-ISIS sa Lanao Del Sur

Lumikas ang may 723 pamilya sa mga evacuation center sa mga bayan ng Tubaran at Pagayawan, Lanao Del Sur.  Ito ay sa gitna ng isinasagawang pursuit operations ng militar sa Maute-ISIS terrorists sa lugar.

Ito ang iniulat ni Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner matapos na ilunsad ng militar ang operasyon kontra sa mga nalalabing Maute-ISIS terrorist kahapon ng alas-7 ng umaga.

Ayon kay Brawner, gumamit sila ng air strikes at artillery fire sa inisyal nilang pag-atake sa tinatayang 40 terorista.

Aniya, may mga report na nagtamo ng casualties ang kalaban pero ito ay subject for confirmation.

Wala namang iniulat si Brawner na sugatan sa panig ng militar habang nagpapatuloy ang bakbakan. | ulat ni Leo Sarne