7,000 pulis, idi-deploy para sa ikatlong SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte 

Tinatayang nasa  pitong libong pulis ang ipakakalat para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar, ipakakalat ito sa paligid ng Batasan Complex at Commonwealth Avenue.

Ito’y para matiyak ang kaayusan at kaligtasan sa paligid ng Batasan lalo’t inaasahan ang pagdagsa ng mga raliyista, mapa-anti o pro-Duterte man.

Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ni AFP Public Affairs Office Col. Noel Detoyato na may 600 sundalo mula sa AFP Joint Task Force NCR ang naka-standby sa Aguinaldo sakaling kailanganin ng tulong ng PNP.

Nakadepende sa pangangailangan ng pulisya ang pagdi-deploy nila ng sundalo sa paligid ng Batasan.

Sa ngayon ay wala namang namu-monitor na malaking banta ang mga autoridad sa seguridad ng SONA ng Pangulo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion