700 na posisyon, binuksan ng COA bilang bahagi ng CSC Job Fair

Nasa 700 na posisyon ang binuksan ng Commission on Audit para sa Civil Service Commission Job Fair.

Ayon kay COA Chair Michael Aguinaldo, kabuuang 900 ang posisyon na kailangan nilang punan sa komisyon ngunit pitong daan lang ang bubuksan nila dahil ang ibang posisyon ay ‘for promotion’.

Target naman ni Aguinaldo na sa loob ng 2 taon ay makatanggap pa ng 1,500 hanggang 2,000 na personnel.

Kasabay nito, ay nasa labing apat na regional offices ang kasalukuyang ipinatatayo ng komisyon at anim pa ang nasa pipeline upang mas mailapit ang ugnayan ng COA at ng mga local government units sa pag-audit ng mga pondo.

Mula sa orihinal na hinihinging 2021 budget ng COA na P13.574 billion ay P13.567 billion lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management.

P12.907 billion ang inilaan para sa personnel services, kung saan nakapaloob din ang salary adjustment bunsod ng salary standardization law.