7 PMA cadets na sangkot sa pagkamatay ni Cadet Dormitorio, isasalang sa court martial

Nakatakda nang isalang sa general court martial ang pitong kadeteng sangkot sa pagkamatay ni PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio dahil sa “hazing”.

Ayon kay B/Gen. Romero Brawner Jr., Commandant of Cadets ng PMA o Philippine Military Academy, ang general court martial ang didinig ng mga kasong administratibong kinakaharap ng mga sangkot na kadete.

Ayon kay Brawner, batay sa ginawang pagsisiyasat at masusing imbestigasyon, posibleng sampahan ng paglabag sa Articles of War 97 o Conduct to the Prejudice of Good Order and Military Discipline ang mga naturang kadete.

Subalit nilinaw ni Brawner, na tanging ang mga nasasangkot lang na mga kadete ang lilitisin sa general court martial at hindi pa kasama ang mga opisyal ng PMA.

Ang mga opisyal ng PMA na may koneksyon din sa pagkamatay ni Dormitorio, ay isasalang naman sa hiwalay na court martial na bubuuin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ayon kay AFP Spokesperson Marine B/Gen. Edgard Arevalo.

Dagdag ni Brawner, mananatili sa kanilang kustodiya ang mga nasabing kadete, habang sabay na nililitis ang mga ito sa court martial proceedings ng PMA, gayundin sa ordinary court para naman sa kasong kriminal na isinampa ng PNP laban sa kanila.