7 panukala para sa pagtatag ng special economic zones sa bansa, inaprubahan ng komite sa Kamara

Pitong panukalang batas na layong magtatag ng economic zones sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang inaprubahan ng House Committee on Economic Affairs at House Committee on Trade and Industry.

Layunin ng mga panukala na makapagkaloob ng insentibo at pondo mula sa paglikha ng special economic zones na makakatulong sa pag-unlad ng isang lugar.

Kabilang sa mga pinagtibay sa komite ay ang House Bill 5794 ni Iloilo Representative Julienne Baronda na layong lumikha ng special economic and free port sa lungsod ng Iloilo na tatawaging Metro Iloilo Special Economic Zone (Miloecozone) at Miloecozone Authority.

Sa pamamagitan nito umaasa si Baronda na makahikayat ng mas maraming mamumuhunan na makakatulong sa paglago ng ekonomiya sa rehiyon.

Kabilang sa iba pang ecozones na itinutulak na itayo ay ang Sangley Point Special Economic Zone at Sangley Point Development Authority sa Cavite, San Jose, Magsaysay at Paluan sa Occidental Mindoro gayundin sa Cebu, Bacolod sa Negros Occidental at munisipalidad ng Ubay, Buenavista, Talibon, at Getafe, sa Bohol.