63 sa 67 barangays sa North Cotabato, pumabor sa BARMM

Mayorya sa 67 na mga barangay sa North Cotabato ang bumoto ng YES pabor sa inclusion para sa bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa katatapos lang na plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sa panayam kay Commission on Elections (Comelec) North Cotabato Election Supervisor Atty. Jay Gerada, sinabi nito na sa kabuuhan, may 63 mga barangay sa lalawigan ang pumabor na mapasali sa BARMM.

Ayon kay Gerada bumoto ng solid YES ang mga Bayan ng Midsayap, Pigkawayan, Kabacan at Carmen para mapasali ang kanilang mga piling barangay sa bagong Bangsamoro Region.

Samantala, ang bayan ng Pikit na pinaniniwalaan na balwarte ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ay may isang barangay na hindi nakakuha ng double majority.

Ganito rin sa bayan ng Aleosan na may dalawang barangay na hindi pumayag na mapasali sa BARMM, at isa naman sa Tulunan.

Sinabi ni Gerada, nakatakdang ipadala ng mga municipal election officers ang resulta ng canvassing ngayong weekend sa National Plebiscite Board of Canvassers.  | ulat ni Armando Fenequito/RP-Davao