63 Note Verbale, ipinadala ng PH sa China

Iginiit ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi sumuko at hindi isusuko ng Pilipinas ang laban nito sa territorial dispute sa West Philippine Sea (WPS).

Sa budget briefing ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Kamara, sinabi ni Locsin na mula 2016, aabot na sa 63 note verbal and ipinadala ng Pilipinas sa China, dalawampu’t apat dito ay ipinadala sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Itinanggi rin nito ang balitang wala nang balak ang Pangulong Rodrigo Duterte na i-assert ang The Hague ruling kung saan kinikilala ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo.

Sa katunayan aniya, makailang ulit nang binigyang diin ng Pangulo ang Hague ruling kay Chinese President Xi Jinping.

Hiniling naman ni Locsin, na magsagawa ng isang executive session upang maibahagi sa mga kongresista ang mga napag-usapan sa pagitan ng dalawang Pangulo hinggil sa issue.

Samantala, aabot sa P22.65 bilyon ang hinihinging pondo ng DFA para sa susunod na taon.

P22.55 bilyon ang ilalaan sa Office of the Secretary, habang ang P98.03 milyon ay para sa attached agencies, tulad ng Foreign Service Institute, Technical Cooperation Council of the Philippines at UNESCO National Comm. of the Philippines.