60 pamilyang apektado ng pagputok ng Taal Volcano noong nakaraang taon, nananatili pa rin sa evacuation center ng Talisay Batangas

Umaapela ng tulong ang 60 pamilya na mabigyan sila ng permanenteng tirahan matapos nilang lisanin ang isla ng Taal noong nakaraang taon. 

Sa eksklusibong panayam ng Radyo Pilipinas, umiiyak na ikinwento ni Aleng Virginia Pornea, 56 anyos, ang hirap na kanilang nararanasan sa evacuation area ng Motor pool Brgy. Poblacion 5 Talisay Batangas. 

Sinabi ni Aleng Virgie, isang taon na silang nasa evacuation center at nagtitiis sa init ng panahon at maputik ng higaan tuwing umuulan.

Nagkakasakit na rin daw ang kanilang mga kasamahan habang hirap na hirap sa pag-aaral ang kanilang mga anak. 

Apela nila kay Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher Lawrence Bong Go, mabigyan sila ng relocation at kabuhayan dahil pinadapa ng Taal eruption at pandemya ang kanilang hanapbuhay. 

Mayroon naman daw na ibinibigay sa kanila ang National Housing Urban Development and Coordinating Center subalit ito ay nasa Quezon Province na lubhang malayo sa kanilang kabuhayan. 

Pinasalamatan naman nila si Talisay Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan Sr., dahil ipinagamit nito ang kanyang lupa na tinayuan ng mga evacuees ng kanilang mga kubol at nilibre na rin ang paggamit ng tubig at kuryente. 

Tanging ang pagiging construction worker ang ikinabubuhay ng pamilya ng mga evacuees ng Talisay Batangas bagay na hindi rin kinakaya ng ilan dahil sa kanilang edad. 

Umaapela din ang mga ito sa Philippine Volcanology and Seismology o Phivolcs, ibaba na sa alert level 1 ang estado ng bulkan upang unti-unting bumalik ang sigla ng turismo sa Talisay Batangas. 

Karamihan kasi sa kanila, ang pagpapa-arkila ng bangka sa Lawa ng Taal ang pangunahing ikinabubuhay noon.