6 na suspek sa pagpatay sa 4-yr old na bata sa Davao, may patong na tig-P50K

Magbibigay ng P50,000 si Davao City Mayor Inday Sara Duterte para sa bawat isa sa anim na suspek sa paggahasa at pagpatay sa apat na taong gulang na bata, sa Brgy. Tapak, Paquibato District ng lungsod.

Sa pahayag mula sa City Government of Davao, ang nasabing reward money ay para sa kahit sinong makapagbibigay impormasyon para maaresto ang anim na suspek, na sila Steve Allan, Jerome Banggaan, Jorex Manlangan, Mayonado Calibay, Jomar Cariaman at John Onsilag na residente ng Brgy. Tapak Proper, Paquibato District.

Kung maalala, nangyari ang krimen noong Agosto 29, 2019, kung saan patay at hubo’t hubad nang makita ang biktima sa nasabing baranggay.

Base sa imbestigasyon ng Paquibato PNP sa pakikipagtulungan ng mga brgy. official at PNP Forensic Investigators na nagsagawa ng otopsiya, lumabas na brutal na ginahasa bago pinatay ang biktima.

Positibo namang kinilala ng mga witness ang anim na suspek.

Naisampa na rin ang kasong rape with homicide sa City Prosecutors Office Davao City sa pamamagitan ng regular filing habang patuloy na tinutugis ang mga ito.

Kabuuang P300,000 ang ilalabas ng mayor para sa ikadarakip ng anim na suspek.