POEA, nag-isyu na ng interim guidelines para sa proteksyon ng Pinoy seafarers sa gitna ng pandemya

Bilang tugon sa direktiba ng Pangulo na tulungan ang Pinoy seafarers abroad ay inilabas na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng Interim Guidelines na nakatutok sa kapakanan ng mga tripolanteng Pinoy sa gitna ng pandemya.

Nakasaad sa Resution No. 13, Series of 2020 na sinisiguro ng pamahalaan ang proteksyon at benepisyo ng mga seafarer habang nasa ilalim ng National State of Calamity.

Sa ilalim nito, ang isang seafarer na nakapirma na ng employment contract ngunit hindi makaalis dahil sa pandemya ay kailangang bigyan ng maayos na accomodation at pagkain na dapat ay sagot ng kanyang principal o employer.

Gayundin, yung mga tripolanteng na-deploy na ngunit na-stranded ay dapat bayaran pa din ng kanilang basic pay, accomodation, pagkain, at medical benefits ng principal/employer.

Bukod dito, inatasan din ang mga principal/employer na magbigay ng kaparehong tulong at benepisyo sa mga seafarer na nakapirma na ng kontrata, at naka-deploy ngunit hindi makasakay sa designated ship gayundin ang mga hindi pa ma-repatriate dahil sa pandemya.

Nakasaad naman sa naturang resolusyon na papayagan ang mga principal/employer na ma-recover ang anumang nagastos basta malinaw na nakapaloob sa employment contract o di kaya ay sa Collective Bargaining Agreement.