500,000 daily vaccination, kayang gawin pagdating ng buwan ng Agosto — vaccine czar Sec. Galvez

Kumpiyansa si vaccine czar at Chief Implementer Carlito Galvez na kayang gawin ng pamahalaan na makapagbakuna ng 500,000 indibidwal kada araw sa Agosto.

Sa buwang ito kasi sabi ni Galvez ang buhos ng bakuna na makukuha ng bansa na nasa 15 milyon hanggang 20 milyong doses na ipakakalat sa iba’t ibang mga highly urbanized area.

Lalabas ani Galvez na maaaring pumalo sa dalawa hanggang tatlong milyon ang maikakasa namang pagbabakuna kada linggo.

Nasa 5,000 vaccination sites, aniya, ang tina-target nilang maipakalat para makamit ang nasabing dami ng dapat mabakunahan pagdating ng Agosto.

Third quarter ngayong taon ani Galvez nakikita nilang luluwag ang vaccine supply gayung sa mga panahong iyon aniya ay nasa 70 porsiyento na ang vaccination completion ng mayayamang bansa gaya ng Amerika na maaari nang mag-supply ng kanilang gawang bakuna.