500 katao na taga-QC, tumanggap ng libreng tableta ng Ivermectin vs COVID-19

Tumanggap na ng gamot na Ivermectin ang ilang residente ng Quezon City na pinaniniwalaang panlaban sa COVID-19.

Ang nasabing gamot ay libreng ipinamahagi nina Anak Kalusugan Party List Representative Mike Defensor, Deputy Speaker at SAGIP Party List Representative Rodante Marcoleta, at ilang mga doktor.

Sampung tableta ang ibinigay sa may halos 500 katao na boluntaryong nagtungo sa Old Balara Covered Court.

Sinabi ni Dr. Benigno Agbayani ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines, inireseta nila ang Ivermectin dahil napatunayan na sa maraming pag-aaral sa ibang bansa na mabisa ito panlaban sa virus.

Hindi rin daw garantiya na nakagagaling ang lahat ng gamot na inaprubahan ng Food and Drugs Administration (FDA).

Bukod sa mura at abot-kayang presyo, mayroong sapat na suplay ng Ivermectin saan mang panig ng mundo.

Samantala, handa naman daw sina Defensor at Marcoleta na magpakulong dahil sa ginawa nilang pamamahagi ng mga tableta.

Hindi tuloy naiwasan ng dalawang mambabatas na tanungin ang FDA kung bakit matagal ang proseso ng ginagawa nilang pag-aaral sa bisa ng Ivermectin gayong marami na ang namamatay dahil sa COVID-19.

Dahil dito, magsasagawa ng house-to-house na pamamahagi ng Ivermectin ang dalawang mambabatas para makatulong sa mga dinadapuan ng virus.