500 bata sa Davao City, tumanggap ng anti-polio vaccine

Mahigit sa 500 bata ang tumanggap ng Oral Polio Vaccine o (OPV) sa unang dalawang oras ng “Sabayang Patak Kontra Polio” sa ginanap na nationwide anti-polio immunization campaign, Lunes, October 14.

Ayon kay City Health Office (CHO) chief, Dr. Josephine Villafuerte, target ng lokal na pamahalaan ng Davao ang 100-percent immunization rate para sa mga batang may edad limang taong gulang pababa.

Aniya, bagamat wala pang naitalang kaso ng polio sa siyudad hindi dapat maging kampante ang publiko sa type 2 polio virus, na nakita sa water sample mula sa Davao River noong nakalipas na buwan.

Bunsod nito, muling nanawagan si Villafuerte sa lahat ng magulang, na pabakunahan ang kanilang mga anak, kasabay ng pagsasabing umaasa siya na hindi na hihintayin ng mga magulang ang huling araw ng patak kontra polio.

Katunayan, upang maging mas madali at magaan para sa mga magulang ang pagpapabakuna naglagay sila ng mga booth sa malls.

Ang nasabing aktibidad ay ang una pa lang sa serye ng OPV immunization drive ng lokal na pamahalaan, dahil magpapatuloy ang kampanya hanggang katapusan ng linggo.

Taong 2015, idineklarang polio type 2 free ang bansa ngunit muli itong nadiskubre noong buwan ng Agosto.