5 miyembro ng notorious KFR at gun-for-hire group, arestado

Arestado ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), Highway Patrol Group (HPG) at local police units ng Isabela ang limang miyembro ng isang Kidnap For Ransom (KFR) group at gun-for-hire na nag-ooperate sa Southern, Central, Northern Luzon at Metro Manila.

Sa kanyang regular Monday press conference sa Kampo Crame, kinilala ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang mga arestadong suspek na sina Dennis Matias, Mary Ann Mallari, Raymond Dequina, John Laña at Jackie Lou Isidro.

Sila ay kasama umano sa Peralta gun-for-hire at kidnapping group na naka-base sa Nueva Ecija, na pinamumunuan ni Ricardo Peralta na pinaghahanap pa sa ngayon.

Ayon kay PNP-AKG Director Csupt Glen Dumlao, walong kaso ng KFR at 20 kaso ng gun for hire ang umano’y kinasasangkutan ng grupo.

Iprinisinta ni PNP Chief ang mga armas na nakumpiska sa mga arestadong suspek na kinabibilangan ng dalawang assault rifle, isang shotgun, dalawang pistol, 22 iba’t-ibang mga ATM card, granada at tatlong SUVs.

Ayon sa PNP Chief, ang matagumpay na pagkakalansag sa Peralta gun-for-hire at kidnapping group ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa mga Private Armed Groups upang matiyak ang seguridad sa darating na 2019 midterm elections. | ulat ni Leo Sarne