5 karagdagang vaccination sites, bubuksan sa Las Piñas City

Plano ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na magdagdag ng limang COVID-19 vaccination sites upang maabot ang target na 6,000 residenteng mababakunahan kada araw.

Ayon kay Las Piñas City Vice Mayor April Nery, sa susunod na dalawang linggo ay bubuksan ang limang karagdagang inoculation sites bilang bahagi ng “Ligtas na Las Piñeros, Lahat Bakunado” vaccination program.

Sa kasalukuyan aniya ay 15 ang vaccination sites sa lungsod na kinabibilangan ng 10 barangay covered courts, dalawang ospital, at tatlong shopping malls.

Dagdag pa ni Nery, bumili ang city government ng 300,000 doses ng AstraZeneca at 200,000 doses ng Novavax upang masigurong mababakunahan ang lahat ng residente sa Las Piñas.

Tinatayang 640,000 ang total population sa Las Piñas.

Sa kabuuan ay nasa 40,000 medical frontliners, senior citizens, at persons with comorbidity ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna sa lungsod habang 15,000 ang naturukan ng second dose.