5 karagdagang S-70 helicopters, nai-deliver na sa Phil Air Force

Tinanggap ng Philippine Air Force and delivery ng limang karagdagang Sikorsky S-70i Blackhawk utility helicopters sa Clark Airbase, Pampanga kahapon.

Ang mga helicopter, na bahagi ng ikalawang batch ng Blackhawk na idineliver sa Air Force, ay dumating sa bansa galing sa Poland sakay ng Antonov transport plane.

Magugunitang natanggap ng Air Force ang unang batch ng anim na Blackhawk helicopters noong huling bahagi ng nakaraang taon.

Inaasahan naman ang pangatlong batch ng lima pang Blackhawk helicopters bago matapos ang 2021, para sa kabuuang 16 na helicopters.

Ayon kay Philippine Air Force Commanding General Lt. Gen. Allen Paredes, ang mga Blackhawk helicopter ay kasalukuyang ginagamit ng Air Force sa paghahatid ng bakuna at iba pang medical supplies sa mga pinakamalalayong lugar sa bansa.

Sa pagdating aniya ng mga karagdagang chopper na itinuturing na “best in class” Multi-Mission utility chopper, mas mapapahusay ang kakayahan ng PAF na labanan ang pandemya, at makatulong sa pag-unlad ng bansa.

(Photo courtesy of PAF)