5 bagong SAF Battalion, unang makikinabang sa Anti-Terrorism Training Facility

Ang limang bagong buong Special Action Force (SAF) Battalions ang unang isasalang sa counter-terrorism training sa itatayong training facility ng Estados Unidos sa Silang, Cavite.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde, matapos lumagda sa isang kasunduan kasama si US Embassy Deputy Chief of Mission John Law, na magtatatag ng Regional Counter-Terrorism Training Center sa Pilipinas.

Nakapaloob sa kasunduan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at Estados Unidos, na itatayo ang “state-of-the-art” training center sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite.

Ang pasilidad, na nagkakahalaga ng Php350 million, ay bahagi ng kabuuang Php520 million ($10 million) investment ng Estados Unidos sa naturang proyekto, na kapwa pangangasiwaan ng Pilipinas at Amerika.

Nagpasalamat si Albayalde sa Estados Unidos sa proyekto, na aniya ay magpapataas ng kakayahan ng Philippine National Police (PNP) na tugunan ang banta ng “domestic at trans-national terrorism.”