5 aktibong pulis na kasama sa “drug matrix” ng Pangulo, inilagay sa PHAU sa Camp Crame

Inilipat sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Crame ang limang aktibong pulis na kasama sa huling “drug matrix” na inilabas ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Una nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, na ang mga naturang pulis ay ni-relieve na mula sa mga sensitibong pwesto at ni-reassign sa iba’t ibang pwesto habang sila ay iniimbestigahan.

Pero sa pamamagitan ng dalawang Special Orders na inilabas ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) kahapon, October 10, alinsunod sa utos ng PNP Chief, kinansela ang unang re-assignment orders ng mga ito na may petsang October 6.

Sa Special Order no.13097 ng DPRM, ay kanselado ang paglipat ni Ssupt. Leonardo Ramos Suan sa PRO-ARMM mula sa PHAU, kung saan siya mananatili.

Sa Special Order no. 13098 naman, kanselado ang paglipat ni Supt. Lorenzo Cusay Bacia sa PRO-ARMM, SInsp. Lito Torres Pirote sa PRO 3, Insp. Conrado Hernandez Caragdag sa PRO-Cordillera at SPO4 Alejandro Gerardo Ramirez Liwanag sa PRO 2, at sa halip ay sa PHAU silang lahat inilipat.

Batay sa binunyag ng Pangulo, ang limang aktibong pulis ay bahagi umano ng isang malaking sindikato na nag-rerecycle ng droga, na pinamumunuan ng una nang sinibak na pulis opisyal na si Ssupt. Eduardo Acierto, kasama si PDEA Director III Ismael Fajardo Jr. | ulat ni Leo Sarne