Dagdag benepisyo ng frontliners ng Pasig City, inaprubahan na

Inaprubahan na ng Konseho ng Pasig City ang dagdag benepisyo ng mga frontliner ng lungsod para labanan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa kanilang lugar.

Sinabi ni Vice Mayor Iyo Christian Bernardo na walang konsehal ang tumutol sa nasabing panukala kung kaya’t ito ay madaling naaprubahan sa kanilang sesyon.

Makakatanggap ng dagdag na ₱500 kada araw ang mga frontliners ng lungsod ng Pasig bilang kanilang hazzard pay.

Sinabi ni Vice Mayor Bernardo, ginawa nila ito upang kahit papaano ay masuklian ang hirap at pagod ng mga frontliners na siyang gumagawa ng paraan upang protektahan ang mga taga-Pasig sa pagkalat ng COVID-19.

Magsisimulang makatatanggap ng dagdag hazzard pay ang mga frontliners ngayong araw at ito ay idadagdag sa regular na hazzard pay na kanilang sinasahod.

Kahapon ay inaprubahan din ng Konseho ng Pasig ang supplemental budget na ilalaan bilang pondo sa mga residenteng hindi napasama sa listahan ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Naglaan din ng pondo ang Konseho ng Pasig para sa dagdag na 25% na risk allowance sa lahat ng empleyado ng City Hall.

Dalawang beses makakatanggap ng tig-₱4,000 ang kanilang mga mamamayan at ito ay sisimulan ngayong Abril at buwan ng Mayo.

Sa Konseho din aniya ng Pasig nagsimulang aprubahan ang pamamahagi ng ₱400 na voucher allowance para sa mga estudyante ng lungsod kung saan maaari itong ipambili ng pagkain ng mga bata sa mga accredited na palengke at talipapa.