47,000 examinees nakatakdang kumuha ng PNP entrance and promotional exam ngayong Linggo

Nakatakdang isagawa ng National Police Commission (NAPOLCOM) ngayong Linggo, Oktubre 21, ang ikalawang Philippine National Police (PNP) entrance and promotional exam para sa taong ito.

Ayon kay NAPOLCOM Vice-Chairman at Executive Officer Atty. Rogelio Casurao, 47,201 ang kabuuan ng examinees na kukuha ng pagsusulit sa iba’t ibang designated testing centers nationwide.

Sa bilang na ito, 33,860 ang kukuha ng entrance exam para sa pagka-pulis, habang 13,341 ang naka-distribute sa iba’t ibang promotional test categories.

Dito sa National Capital Region (NCR) aniya ay 3,256 ang kukuha ng entrance test, habang 2,194 ang mag-e-exam para sa promosyon sa testing centers sa Makati High School, Pitogo High School, Benigno Aquino High School at Fort Bonifacio High School, na pawang nasa Makati City.

Ayon kay Casurao, ang mga makakapasa sa entrance exam ay papasok sa PNP bilang bagong PO1.

Ang promotional exam naman aniya ay para sa mga mga kasalukuyan ng police officer; senior police officer, inspector, at superintendent, na nais na umakyat sa susunod na ranggo.  | ulat ni Leo Sarne