46 percent ng mga Pilipino, hindi boboto sa banta COVID-19 base sa resulta ng isang survey

Forty-six (46) percent ng mga Pilipino ang hindi boboto sa susunod na taon sakaling mataas ang COVID-19 cases sa kanilang lugar base sa isang commissioned survey na ibinahagi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

Iprinisinta ni Zubiri ang resultang ito ng Pulse Asia survey na kanyang kinomisyon sa kanyang privilege speech, kasabay ng pagbabala sa posibleng mababang voter turnout sa May 2022 elections.

Sa naturang survey na ginawa nitong Hunyo, 35 percent lang sa mga respondents ang nagsabing handa silang lumabas at bumoto sa May 9, 2022 habang 19 percent naman ang undecided pa.

Karamihan o halos 57 percent ng mga nagsasabing hindi sila boboto dahil sa takot sa COVID-19 ay mula sa National Capital Region (NCR) habang 50 percent naman ang mula sa iba pang bahagi ng Luzon.

Dahil dito, muling hinikayat ng mambabatas ang pamahalaan na bilisan pa ang COVID-19 vaccination rollout sa buong bansa.

Ipinunto ng senador na maaaring hindi maging katanggap-tanggap ang resulta ng darating na halalan kung kakaunti lang sa ating mga kababayan ang boboto at hindi sasalaminin ng resulta nito ang totoong boses ng mayorya ng mga Pilipino.

Sinang-ayunan naman ng mga senador ang panawagan ng Senate Majority Leader.