Pagpasok ng mga bagong ‘competitors’ sa industriya ng ride-hailing services sa bansa, welcome sa Grab Philippines

Itinuturing na ‘welcome development’ ng Grab Philippines ang pagpasok ng Hype Transport Systems, Inc., at pagsulpot ng iba pang tinatawag na transportation network companies (TNCs) sa multi-milyong pisong industriya ng ride-hailing services.

Binigyang diin ni Atty. Miguel Aguila ng Grab, apat na taon din nilang hinarap ang kompetisyon ng Uber sa Pilipinas,  kung kaya’t hindi na sila maninibago kung dumami ang bilang ng TNCs.

Sa kasalukuyan, umakyat aniya sa 14% ang supply base o dami ng kanilang active partner drivers.

Pero, dahil sa pagkabili ng Grab Philippines nitong nakaraan sa operasyon ng Uber sa bansa, maaari aniyang magdagdag pa sila.

Matatandaang kahapon lamang inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang certificate of accreditation ng Hype Transport Systems, Inc., na kumpanyang naka-base sa Pilipinas at Metro Manila ang konsentrasyon ng operasyon.

Kasunod nito, aprubado na rin ang akreditasyon ng HirNa Mobility Solutions Inc., na isang metered-taxi booking service.

Bukod sa Hype at HirNa, may intensyon ring pumasok sa TNC competition ang mga kumpanyang Owto, Lag Go at I-Para na lahat ay napaulat na Filipino-owned.


 | via Shane Juan