40 inmates, namatay sa mga kulungan ng PNP mula Hulyo 2016 – Albayalde

Umabot na sa apatnapung (40) inmates ang namatay sa mga kulungan ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila simula Hulyo 2016.

Ito ang iniulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, kasunod ng pagkamatay ng isang preso sa Pasay Police detention cell dahil sa heart attack.

Ang namatay ay kabilang sa walong (8) inmates na isinugod sa ospital, matapos na mag-collapse dahil sa tindi ng init sa loob ng overcrowded na piitan.

Sinabi ni Albayalde, na palalagyan nila ng exhaust fan ang mga kulungan ng PNP para mabawasan ang init sa loob, lalo na ngayong panahon ng summer.

Ayon kay Albayalde, may mga plano na ang PNP na magpagawa ng mga maaayos na piitan sa mga himpilan ng pulisya para masolusyunan ang overcrowding, alinsunod sa utos ng Pangulong Duterte.

Sa ngayon kasi aniya, puro temporary jail facilities lang ang available sa mga himpilan ng pulisya kung saan sobra-sobra pa sa kapasidad ang nakalulong.

Magugunitang kamakailan ay nagkaroon ng kontrobersiya sa tinaguriang “secret jail cell” sa likod ng aparador sa isang Manila Police station, na ginawa lang umano ng mga pulis dahil sa wala nang mapaglagyan ang mga preso. | via Leo Sarne