4 patay, 7 nawawala at 2 sugatan sa bagyong Dante

Apat na ang iniulat na namatay sa pananalasa ng bagyong Dante.

Batay sa huling situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), dalawa sa nasawi ay sa Region 11, ang isang taong gulang na bata sa Panoraon, Davao de Oro na natabunan ng putik; at isang 71 taong gulang na lalaki sa Malalag, Davao del Sur, na tinangay ng flash flood.

Habang ang dalawa pang nasawi ay mula sa Region 12, isang 14 na taong gulang na babae sa Norala, South Cotabato na nalunod; at ang kanyang 55 taong gulang na ama na natagpuan na ang bangkay matapos unang iulat na nawawala.

Dalawa naman ang iniulat na nasaktan sa Region 11 na kinabibilangan ng isang 14 na taong gulang na lalaki, na nagtamo ng head injury at isang 18 taong gulang na babaeng nabalian ng buto sa hita, sa Bgy. Macangao.

Pito naman ang iniulat na nawawala, kabilang ang apat na mangingisda sa Pilar, Capiz, na pumalaot sa kabila ng sama ng panahon ; dalawang lalaki sa Calubian Leyte, na tinangay ng flash flood; at isang lalaki sa Maco Davao de Oro.

Ayon sa NDRRMC, ongoing ang search and rescue para sa mga nawawalang biktima ng bagyo.