4 na nakunan ng CCTV sa Jolo Cathedral bombing, sumuko sa awtoridad 

Sumuko na kahapon sa mga awtoridad ang apat  na indibidual na nakunan ng CCTV sa bisinidad ng Jolo Cathedral bombing.

Ayon kay 11th Infantry Division at Joint Task Force (JTF) Sulu Commander Brog. Gen. Divino Rey Pabayo, ang apat ay sumuko para linisin ang kanilang pangalan sa pagkakasangkot sa Adjang-Adjang group at sa pambobomba noong Linggo sa Jolo Cathedral.

Unang sumuko kahapon ng alas-10:00 ng umaga sina: Alshaber Arbi, 18 taong gulang, Grade 11 student ng Kalingalan Caluang National Highschool, ang naka-ponytail sa CCTV footages; at si Gerry Isnajil, Guro ng Kalingalan Caluang High School na naka-maroon cap na may red back pack sa video.

Bandang alas-3:00 naman ng hapon sumuko ang dalawa pa, na kinilalang sina: Alsimar Mahamud y Albi ng Bus-bus, Jolo, Sulu, na naka-black shirt sa CCTV footage; at si Julius Abdulzam y Albi ng Barangay Takut-Takut, Jolo, Sulu na naka-blue polo shirt sa video.

Sa CCTV footage ay nakitang nasa likuran ng dalawa ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng Adjang-Adjang group na hindi umano nila kilala.

Ayon naman kay Western Mindanao Commmand (Wesmincom) Spokesperson Col. Gerry Besana, mananatili muna sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) ang mga ito habang hindi pa sila cleared.

Una nang sinabi ni Brig. Gen. Pabayo na hindi kasama sa CCTV footage ang alias Kamah na pinaghihinalaang nag-detonate ng unang bomba sa loob ng simbahan sa pamamagitan ng cellphone.  | ulat ni Leo Sarne