Itinanghal sa Ajex Dagit-PA military exercise sa Subic Bay, Zambales nitong Sabado ang apat na bagong Amphibious Assault Vehicles (AAV) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang apat na bagong AAV na gamit ng Philippine Marines ay bahagi ng walong bagong amphibious vehicles na binili mula sa South Korean defense manufacturer na Hanwha Techwin.

Ang unang batch ay i-dineliver noong Mayo, habang ang ikalawang batch ay dineliver nitong Agosto. Kasalukuyang naka-deploy ang mga unit sa BRP Tarlac (LD-601) at BRP Davao Del Sur (LD-602).
Sa Dagit-PA exercise, ni-launch mula sa BRP Davao del Sur (LD 602) ang mga AAV na may sakay na marines at reservists, sa simulation ng pag-“retake” sa isang Isla.

Isang S-76 helicopter ng Philippine Airforce ang nagsagawa ng “shore-to-ship” evacuation ng mga simulated casualties sa ehersisyo.
Ang Ajex Dagit-PA exercise, na nangangahulugang “Dagat-Langit-Lupa”, ay nilahukan ng 1,500 sundalo at reservists mula sa iba’t ibang sangay ng AFP, sa layong mapahusay ang interoperability sa joint operations ng Philippine Navy, Philippine Air Force at Philippine Army.