4 na Abu Sayyaf patay, isa arestado sa Basilan

Patay ang apat na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang isa ang naaresto sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force sa Barangay Balobo, Lamitan City, Basilan kahapon.

Sa ulat ni Special Action Force (SAF) Director Police Major General Felipe Natividad kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar, kinilala ang mga nasawing terrorista na sina:
Baradi at Remie Ganie, Mando Morales at isang Jack Akalul; habang naaresto naman si Dawam Morales.

Magsisilbi sana ng arrest warrant ang mga pulis laban sa mga nasawing suspek para sa kasong kasong murder, kidnapping at carnapping nang makipagbarilan ang mga ito sa mga awtoridad.

Pinaniniwalaang nasa ilalim ni ASG sub-leader Radzmil Jannatul ang lahat ng mga pagsisilbihan ng arrest warrant.

Nakuha sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang KG9 Cal. 9mm submachine pistol; isang Cal. 45 pistol; shotgun; isang Cal. 30 at mga basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril.

Pinapurihan naman ni General Eleazar ang mga pulis na kasama sa operasyon subalit pinaalalahanan sila na manatiling nakaalerto sa posibilidad na paghihiganti ng mga lokal na terorista.