4 arestado sa hoarding at overpricing ng alcohol sa Pasay

Timbog ang apat na indibidwal matapos mag-ipit ng suplay ng alcohol at ibenta sa mas malaking halaga sa Pasay City.

Agad nagkasa ng operasyon ang Pasay City Police nang makatanggap ng impormasyon na may nagaganap na hoarding at bentahan ng alcohol na sobra sa itinakdang suggested retail price.

Sinalakay ng mga operatiba ang establisyimento sa Park Avenue, Barangay 88 at dito tumambad ang kahon-kahong alcohol na naglalaman ng 500 piraso bawat isa.

Sinasabing ibinebenta ito ng mga suspek sa halagang ₱185 kada isa na malayo sa suggested retail price (SRP) na ₱74 pesos kada bote.

Kinumpiska ng pulisya ang mga nadiskubreng alcohol habang dinala sa presinto ang apat na suspek.