Outgoing Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, mataas ang kumpiyansa sa kanyang magiging kapalit

Mataas ang kumpiyansa ni outgoing AFP Chief of staff General Rey Leonardo Guerrero sa kanyang magiging kapalit sa pamunuan ng AFP, na si Western Mindanao Commmand (Wesmincom) Commander Lt. General Carlito Galvez Jr.

Ito ang sinabi ni Guerrero sa isang interview, pagkatapos ng retirement honors na ipinagkaloob sa kanya ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City kahapon.

Ayon kay Guerrero, binuo na ang transition team na aalalay sa incoming AFP chief, at personal niya nang nabilinan si Galvez kung ano ang mga dapat asahan sa kanyang magiging bagong katungkulan, at kung ano ang dapat gawin.

Mayroon naman na aniyang nakalatag na pangmatagalang plano ang AFP na kailangan lang sundan ng magiging pinuno ng militar.

Sinabi ni Guerrero, na higit pa sa kwalipikado si Galvez dahil sa malawak na karanasan nito sa iba’t-ibang katungkulan sa militar.

Mula sa pagiging Battalion Commander at Brigade Commander, nagkaroon din ng katungkulan si Galvez sa Staff sa GHQ, at pinakahuli ay napatunayan niya ang kanyang kahusayan bilang Commander ng Wesmincom sa panahon ng Marawi seige, ani Guerrero.

Nakatakdang palitan ni Galvez si Guerrero bilang AFP Chief of staff sa AFP Change of Command, na isasagawa sa Miyerkules sa Camp Aguinaldo na pangungunahan ng Pangulong Rodrigo Duterte. | via Leo Sarne