‘Steady supply’ ng murang bigas sa mga pamilihan, asahan na sa pagdating ngayong araw sa NFA warehouse ng bigas na mula sa pribadong millers sa Nueva Ecija

Asahan na ng publiko ang ‘steady supply’ ng murang ibinebentang bigas sa mga pamilihan sa pagdating sa warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Quezon City ng daan-daang sako ng regular-milled rice.

Ngayong umaga 17 truck ang nagdala sa bodega ng NFA ng 400 hanggang 800 sako ng bigas, mula sa mga pribadong millers sa Nueva Ecija.

Sinabi ni NFA Spokesperson Rex Estoperez na mabibili sa P39.00 ang kada kilo ng regular-milled sa mga service outlets, gaya sa Parañaque at Quezon City, habang maidedeliver naman ito sa iba pang palengke sa Metro Manila simula sa April 18.

Kaugnay  nito, ayon sa Grains Retailers Association of the Philippines (GRECON) tanging ang mga accredited rice retailers ang papayagang direktang magbenta.

Hangga’t hindi pa naman dumarating sa bansa ang mga imported na bigas, handang mag-sakripisyo ang Nueva Ecija Rice Millers na ibaba sa P39.00 per kilo ang bentahan mula sana sa P42.00.

Lilimitahan din sa tatlong kilo bawat customer ang bebentahan upang matiyak na makikinabang ang mas maraming consumers.


 | via Shane Juan