Motion to transfer detention nina Argosino, Robles at Sombero sa kanilang plunder case, hindi muna pinagbigyan ng Sandiganbayan

Pinanatili ng Sandiganbayan ang naunang commitment order nito na ikulong muna ngayon sa Camp Bagong Diwa sa Taguig sina retired Police Sr. Supt. Wally Sombero, dating Immigration Commissioners Al Argosino at Michael Robles, na mga akusado sa P50-M bribery scandal sa Bureau of Immigration (BI) noong taong 2016.

Ito ay matapos desisyunan ng 6th Division ang mga inihaing mosyon na mailipat sila ng detensyon sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, dahil umano sa seryosong banta sa kanilang buhay.

Idinahilan ng kampo nina Argosino at Robles ang appointment nila mula sa fraternity brother na si Pangulong Rodrigo Duterte, na posibleng maging banta sa kanilang seguridad sa Quezon City Jail Annex kung saan naroon ang mga ‘tokhang detainees.’

Kapareho rin nito ang nakasaad sa mosyon ni Sombero, pero dahil naman sa pangunguna niya noon ng iba’t ibang anti-crime task forces bukod pa sa mga karamdaman nito.

Sa loob ng 24-oras pinagkokomento ng korte ang Office of the Ombudsman at PNP Custodial Center kaugnay ng mga inihaing motion to transfer detention.

Inatasan rin ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na tiyakin ang seguridad habang nasa kustodiya nila ang tatlo.

Sina Argosino at Robles ay nahaharap sa mga kasong graft, bribery at plunder kung saan kapwa akusado nila si Sombero.

Nag-ugat ito nang suhulan umano sila ng Chinese casino tycoon na si Jack Lam kapalit ng ‘release assistance’ sa mahigit 1,300 na Chinese illegal workers na inaresto sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark, Pampanga. | via Shane Juan