DSWD, DILG, lumagda sa kasunduan para sa ikatlong round ng assessment ng mga mahihirap na pamilya sa buong bansa

Mapapalakas na ang partisipasyon ng mga barangay sa ‘Listahanan 3’ o ikatlong round ng nationwide assessment sa mga mahihirap na pamilya.

Ito’y matapos lagdaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang memorandum of understanding ukol dito.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, nakapaloob sa MOU ang pagtutulungan sa mga barangay sa panahon ng data collection, pagtanggap at paglutas sa mga problema at pagpapalaganap ng mga aktibidad sa ‘Listahanan 3’.

Pasisimulan na ang data collection at analysis┬áng ‘Listahan 3’ ngayong buwan ng October hanggang January 2020.

Sa target na 16.1 million households nationwide, ikakalat ang mga field workers sa mga tukoy na mahihirap na urban areas habang ang saturation strategy ay ilalatag sa rural classified na barangays.

Kabilang dito ang 81 lalawigan, 145 lungsod, 1,489 munisipyo, at 42,045 na mga barangay.

Noong 2009 isinagawa ang Unang Listahan kung saan naitala ng DSWD ang 10.9 million poor households sa buong bansa.

Sa kabuuang bilang, 5.2 million households ang natukoy na mas mahihirap habang ang ikalawang listahanan ay ginawa noong 2015 kung saan 5.1 million naman ang natukoy na mahihirap.