31 mangingisda sa West Phil. Sea, naligtas ng Naval Forces West

Naligtas ng Naval Forces West ang 31 mangingisda sa kanilang lumulubog na banka malapit sa Nares bank sa West Philippine Sea noong Linggo.

Sa ulat ni Commodore Donn Anthony Milaflor, Commander ng Naval Forces West, ang kapitan ng fishing boat FB Pauline 2 na si Placido Asusina ay humingi ng saklolo sa radyo matapos na mabutas ang kanilang banka at pasukin ng tubig.

Ang tawag ay natanggap ng isang kalapit na fishing boat ang FB EspaƱola at ini-report sa Naval Forces West ng kapitan nito na si Jafel Alipustain.

Agad inatasan ng Naval Forces West ang kanilang nga barko na nagpapatrolya sa lugar na sumaklolo at unang nakarating sa lumulubog na banka ang BRP Emilio Jacinto (PS35).

Matapos maligtas ang 31 mangingisda, binigyan sila ng medikal na atensyon at pagkain at inihatid ng BRP Emilio Jacinto sa San Jose, Occidental Mindoro.