3,000 tourism workers sa Boracay, babakunahan vs. COVID-19

Umarangkada na ang pagbabakuna sa 3,000 tourism workers sa isla ng Boracay laban sa COVID-19.

Pinangunahan nina Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat at Testing Czar Vince Dizon ang ceremonial vaccination sa isla, na layong protektahan ang mga empleyado at iba pang frontliners.

Kabilang dito ang 2,178 employees sa mga hotel, 308 sa restaurants, 140 sa tourist transport, at 374 frontline personnel, gaya ng tour guides, airport at seaport frontliners at boatmen.

Nasa 500 manggagawa kada araw ang target na bakunahan, na tinukoy ng Lokal na Pamahalaan ng Malay sa pakikipagtulungan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at Boracay Foundation Incorporated.

Ayon kay Puyat, patuloy na bubuhos ang suplay ng bakuna sa Boracay upang mabakunahan ang lahat kasama ang mga residente, upang maisakatuparan ang pangarap na travel bubble.

Nananatili aniyang prayoridad sa turismo ang kalusugan at kaligtasan, at isa sa mga paraan ay ang matiyak na nabakunahan ang frontliners sa lalong madaling panahon.

Bukod dito, pinondohan ng Tourism Promotions Board ng P10 milyon ang pagsasagawa ng mass testing sa tourism workers at frontliners sa isla.