300 milyong pisong halaga ng smuggled na bigas, nasamsam ng PNP at BOC

Halos 125,000 sako ng smuggled rice na nagkakahalaga ng P300-milyong ang nasamsam ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC) sa loob ng tatlong buwan.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Benigno Durana, narekober ang mga smuggled rice sa pag-iinspeksyon sa 801 na mga bodega sa iba’t ibang panig ng bansa simula noong buwan ng Hulyo hanggang ngayong buwan ng Oktubre.

168 sa mga bodegang ininspeksyon ay sa Central Luzon, 137 sa Cagayan Valley, 139 sa Ilocos Region, dalawa sa Metro Manila, 40 sa Cordillera, 59 sa Western Mindanao, 75 sa Bicol region at ilan pa ang nakakalat sa iba’t-ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sinabi ni Durana, na nagpapatuloy ang operasyon ng pulisya laban sa mga nagtatago ng mga smuggled rice dahil na rin sa problema sa kakulangan ng bigas sa bansa, alinsunod sa utos ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw naman ni Durana na ang Department of Trade and Industry (DTI) at BOC ang may pangunahing katungkulan na magsampa ng kaso laban sa mga mahuhuling nagtatago ng bigas at hindi ang PNP. | ulat ni Leo Sarne