300 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines, dumating na sa Cebu

Dumating ngayong umaga ang nasa 300 doses ng COVID-19 vaccines na Sputnik V mula sa Gamaleya Institute sa lalawigan ng Cebu.

Lulan ng isang Philippine Airlines aircraft ang isang box na naglalaman ng mga bakuna na lumapag sa Mactan, Cebu International Airport (MCIA).

Ayon kay Dr. Mary Jean Loreche, tagapagsalita ng Department of Health Central Visayas Center for Health Development (DOH-CHD 7), nasa 150 katao ang mabibigyan ng bakunang ito.

Inaantay lang nila ang approval mula kay DOH-CHD-7 Director Jaime Bernadas upang maibigay ito sa mga nasa masterlist ng Cebu City.

Ang bakuna ay maaaring ibigay sa mga edad 18 pataas.

Kasalukuyan itong nakaimbak sa cold chain facility ng kagawaran dahil nangangailangan ito ng -18 degrees na temperatura upang mapanatili ang bisa ng bakuna.

Sa tanong kung sakaling may tumangging tanggapin ang bakuna ng Gamaleya, hindi naman daw ani Loreche ipipilit ito sa mga magpapabakuna.

Ngunit para sa kanya, mas maganda pa din na tanggapin ang bakuna na available dahil ligtas naman ang mga ito.

Ang 300 doses ay ang pinakaunang batch ng Sputnik V na bakuna na dumating sa Cebu. Ito ay bahagi ng inisyal na 15,000 doses na ipinadala sa Pilipinas noong nakaraang buwan.