300 barangay officials na nasa narco list, pinapa-tokhang ng PNP Chief

Ayon kay Dela Rosa, ang hakbang ay upang masiguro na hindi mailuluklok sa pwesto ang mga involved sa iligal na droga na nagsisilbing protektor ng mga sindikato.

Inatasan ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang mga concerned Philippine National Police (PNP) unit na isailalim sa “Oplan Tokhang” ang 300 baranggay leaders na nasa narco list ng PDEA.

Ang kautusan ay inihayag ni Dela Rosa sa isang press briefing sa Camp Crame, kung saan bibigyang-diin ng PNP Chief na dapat ay “ma-tokhang” na ang mga ito bago sumapit ang Baranggay at SK Elections sa Mayo 14.

Ayon kay Dela Rosa, ang hakbang ay upang masiguro na hindi mailuluklok sa pwesto ang mga involved sa iligal na droga na nagsisilbing protektor ng mga sindikato.

Kaparehong istilo aniya sa pagtotokhang sa mga ordinaryong sibilyan ang ipatutupad sa mga target na politiko.

Kasabay nito, hinimok naman ni Dela Rosa ang publiko na huwag iboto ang mga opisyal ng baranggay na kilalang nasa kalakalan ng droga.

Nauna nang sinabi ni Dela Rosa na magiging aktibo ang PNP sa pagmonitor ng mga baranggay officials na nasa narco list para masiguro din na hindi maiimpluwensyahan ng mga sindikato ng droga ang darating na Barangay at SK elections. | via Leo Sarne