3 senaryo, kinokonsidera sa pagsasagawa ng SONA 2021 — SP Vicente Sotto III

Tatlong senaryo ang kinokonsidera ngayon, kung paano isasagawa ang state of the nation address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 26.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, ang unang senaryong kinokonsidera ay ang katulad ng ginawa noong nakaraang taon, kung saan gagawin ni Pangulong Duterte ang kanyang SONA sa Batasang Pambansa pero lilimitahan lang ang mga dadalo…

Ayon kay Sotto, posibleng hanggang 30 katao lang mula sa Senado kasama na ang senate secretariat at sergeant at arms ang papayagan, habang nasa 100 naman ang sa Kamara.

Sa ikalawang senaryo naman, ay sa Malacañang gagawin ni Pangulong Duterte ang kanyang SONA habang nasa Batasang Pambansa ang Kongreso.

Samantalang sa ikatlong senaryo, ay pare-parehong nasa palasyo ang Pangulo, si Senate President Sotto at si Speaker Lord Allan Velasco, habang ang ibang mga opisyal at mambabatas ay nasa Batasan.

Sa ngayon, sinabi ng senate president, na hinihintay na lang nila ang magiging desisyon ng Office of the President (OP) at ng Presidential Security Group (PSG) sa magiging final set-up ng SONA 2021.