3 ‘persons of interest’ sa pagkamatay ng PMA cadet sa Baguio, nasa restrictive custody   

Tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) ang nasa restrictive custody ng pamunuan ng PMA kaugnay ng pagkakamatay ng isang kadete nitong Miyerkules matapos na magsuka sa loob ng barracks.

Ayon kay P/Brig. Gen. Ephraim Dickson, PRO-Cordillera Regional Director itinuturing nilang ‘persons of interest’ ang dalawang 3rd Class o second year cadet at isang 1st Class o fourth year cadet na kasalukuyang sumasailalim sa custodial investigation.

Ayon kay Dickson, batay sa medico-legal report, kumplikasyon dahil sa internal bleeding ang ikinamatay ng kadeteng si Darwin Dormitoryo.

Mayroon aniyang mga indikasyon ng tama sa sikmura sa may bahagi ng puson ang biktima na posibleng dulot ng isang blunt object, kaya pwedeng nasuntok o nasipa.

Kaugnay ng alegasyong kinuryente ang biktima, sinabi ni Dickson na ito ay subject for evaluation pa ng medico-legal team.

Batay sa inisyal na report, isinugod sa ospital ang biktima matapos itong sumuka at dumaing ng pananakit ng tiyan noong Miyerkules bago ito tuluyang binawian ng buhay.