3 patay, 1 nawawala, 2 sugatan sa paghagupit ng bagyong Dante

Tatlo ang iniulat na namatay, isa ang nawawala at dalawa ang sugatan sa Region 11 at Region 12 sa paghagupit ng bagyong Dante.

Batay ito sa huling situation report as of 8am kaninang umaga na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa mga iniulat na nasawi, dalawa ang mula sa Region 11, ang isang-taong gulang na batang lalaki na natabunan ng putik sa Panoraon, Davao de Oro; at isang 71-taong gulang na lalaki na tinangay ng flashflood sa Malalag, Davao del Sur.

Ang pangatlo namang iniulat na nasawi ay isang 14-na taong gulang na babae mula sa Norala, South Cotabato.

Patuloy naman ang search and rescue operations sa Norala, South Cotabato para sa nawawalang 55-taong gulang na ama umano ng pangatlong iniulat na nasawi.

Habang sa Brgy. Macangao, Davao Oriental, isang 14-na taong gulang na lalaki ang nagtamo ng head injury at isang 18-taong gulang na babae ang nabalian ng buto sa hita.