3 pang punong barangay, nasa hot seat ngayon matapos ang super spreader events sa kanilang lugar

Iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang tatlong punong barangay dahil sa paglabag sa mass gatherings sa kanilang mga lugar.

Pinangalanan ni DILG Secretary Eduardo Año ang mga kapitan na sina Ireneo Cabahug ng Barangay Matabungkay, Lian, Batangas; Bobby Daquioag ng San Mariano, Sta. Marcela, Apayao, at Franklyn Ong ng Kasambangan, Cebu City.

Kinuwestyon ni Año si Kapitan Cabahug kung bakit nabigo itong ipatupad ang minimum public health standards sa mga turista na nagtungo sa isang beach resort sa Barangay Matabungkay, Batangas.

Samantala, si Kapitan Daquoag ay posibleng matanggal sa trabaho matapos siyang dumalo sa isang kasalan at patungo sa reception sa San Mariano Apayao habang ang kanilang probinsya ay nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Si Kapitan Ong naman ay iniimbestigahan dahil sa magkahiwalay na insidente ng paglabag sa physical distancing sa F-Bar and Café at Simatra Café sa Kasambangan, Cebu City.

Ang tatlong kapitan ay nahaharap sa patung-patong na mga kaso tulad ng gross neglect of duty, negligence, serious misconduct, at violation ng Republic Act No. 11332 o mas kilala sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Naisumite na ni Secretary Año sa mga Prosecutor’s Office ng mga nabanggit na lalawigan ang nasabing mga kaso.