3 pang bagong MPAC, nakatakdang i-deliver sa Phil Navy sa ikalawang bahagi ng 2019

Nakatakdang ideliver sa Philippine Navy ang tatlo pang karagdagang Mark 3 Multi-Purpose Attack Craft (MPAC), na maliliit at mabibilis na barkong armado ng missiles, sa ikalawang bahagi ng 2019.

Ito ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo matapos ang matagumpay na capability demonstration ng spike ER missile at remote controlled machine gun na nakabit sa mga unang dineliver na MPAC kamakalawa sa karagatan ng Limay, Bataan.

Sa pagdating ng tatlong bagong MPAC, magiging 12 na ang MPAC ng Philippine Navy, na bahagi ng kabuuang 42 na balak kunin.

Ayon kay Arevalo ang mga bagong MPAC ay “game changer” sa mga operasyon ng Philippine Navy, na mas makakapagpalakas sa kakayahan ng Navy na bantayan ang karagatan ng Pilipinas.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang mga MPAC ay naangkop gamitin laban sa mga pirata at terorista sa Sulu Sea.

Nilinaw naman ni Arevalo na sa ngayon ay wala pang “pre-determined” na lugar kung saan ide-deploy ang mga MPAC, at ito ay nakadepende sa “operational demands” na itatakda ng mga unified commanders.  | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: Philippine Navy