3 pagsabog sa Lanao del Norte kahapon, kagagawan ng BIFF – Maj. Gen. Sobejana

Ang grupo ni Salahuddin Hassan ng teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasa likod ng tatlong pagsabog kahapon sa Lanao Del Norte.

Ito ang sinabi ni Philippine Army 6th Infantry Division Commander MGen. Cirilito Sobejana, kaugnay ng magkakahiwalay na pagsabog sa Brgy Maranding, Lala; sa Kauswagan Multi-Purpose Gym, Brgy Poblacion, Kauswagan, at sa MSU Municipal High School, Sultan Naga Dimaporo.

Ayon kay Sobejana, posibleng paghihiganti ang motibo ng BIFF sa pambobomba dahil sa pagkamatay ng kanilang mga kasamahan sa military operations na naging dahilan sa pagwasak din ng kanilang pinagkukutaan.

Ayon kay Sobejana, tila bagito pa ang nagdala ng improvised explosive device at hindi eksperto ang gumawa nito.

Natataranta na rin ang teroristang grupo dahil sa pinalakas na seguridad ng militar at Philippine National Police (PNP).

Nilinaw naman ng heneral na walang kinalaman sa BOL plebiscite ang mga pagsabog. | ulat ni Leo Sarne