3 kadete ng PMA, 2 pang ‘persons of interest’ itinuturing na suspeks sa pagkamatay ni Cadet 4CL Darwin Dormitorio

Opisyal nang itinuturing ng Philippine National Police (PNP) bilang mga suspeks sa pagkamatay ni Cadet 4CL Darwin Dormitorio, ang tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na nasa kustodiya ngayon ng PMA.

Ayon kay PCol Allen Rey Co, hepe ng Baguio City Police, itinuturo ng mga kapwa kadete ni Dormitorio ang tatlo bilang pangunahing responsable sa pagkamatay ni Dormitorio.

Dalawa sa mga naturang suspek ay 3rd class cadets, habang ang isa ay first class cadet.

Batay sa salaysay ng mga testigo ay nagsagawa ng “hazing” kay Dormitorio ang mga suspek sa pamamagitan ng pangunguryente sa maseselang bahagi ng katawan.

Maliban sa tatlong kadeteng suspek, sinabi ni Col. Co na may dalawa pa silang “persons of interest” sa kaso.

Base sa inisyal na imbestigasyon, tatlong beses nagpabalik-balik sa PMA station hospital si Dormitoryo mula Agosto 22, Setyembre 6, at Setyembre 17, kung saan nakitaan ito ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Iniimbestigahan din ng PNP kung may pananagutan ang mga doktor ng PMA station hospital na hindi umano ini-report sa mga nakatataas ang medikal na kondisyon ni Dormitorio.