3 drug personalities, huli sa buy-bust ops ng PDEA sa Taguig

Aabot sa P3.4 milyon halaga ng illegal drugs ang nasabat ng Philippine Drug Enfotcement Agency (PDEA) sa pinakahuling buy-bust operation na kanilang isinagawa sa Western Bicutan, Taguig City.

Kasabay nito ang pagkaaresto sa tatlong target-listed drug personalities kabilang ang isang overseas Filipino worker (OFW).

Kinilala ang tatlo na sina Zainab Pamansag, 27 anyos, isang overseas Filipino worker; Joel Undong 30, isang tricycle driver at Aiza Abdul, 29 anyos.

Ayon kay Atty. George Paul Alcovindas, officer-in-charge ng PDEA Regional Office-NCR, dinakip ang drug personalities sa ikinasang buy bust operations ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Office ng PDEA RO-NCR sa bahagi ng FTI Terminal Arca South sa Western Bicutan.

Nakuha sa kanilang posisyon ang 10 pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu.

Tinatayang nasa 500 gramo ang dami ng shabu at nagkakahalaga ng P 3.4 million, kabilang din sa nakumpiska ang isang unit ng analog-type cellular phone at buy-bust money.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nakahanda nang isampa sa piskalya laban sa tatlong nahuling drug suspect.