3 BuCor official na idinetine sa senado, pinakawalan na

Binigyan na ng release order ng Senado ang tatlong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na na-contempt o idinetine sa senado dahil sa hindi pagsagot ng maayos sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Pagkatapos ng pagdinig kahapon ng committee tungkol sa kontrobersiya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), pinirmahan na ni Senador Richard Gordon ang release order para kina BuCor legal chief Frederic Anthony Santos; BuCor records division head Ramoncito Roque; at Ursicio Cenas na medical officer ng New Bilibid Prison (NBP) hospital.

Ayon kay Gordon, napagkasunduan nila ni Senate President Vicente Sotto III na wala nang rason para idetine ang tatlo dahil mayroon na silang natanggap na sulat mula sa isa sa kanila.

Hindi na idenitalye  ni Gordon ang nilalaman ng naturang sulat, ngunit sinabi nitong naglalaman ito ng detalyadong impormasyon tungkol sa mga isyu sa NBP.

Habang ang dalawang babaeng BuCor official naman na itinuturo ng testigo na sangkot rin sa GCTA for sale na sina Corrections Officer 3 Veronica Buño at Correctional Senior Inspector Maria Belinda ‘Mabel’ Bansil ay hindi na rin ipapa-contempt ni Gordon.

Ito aniya ay dahil marami na rin silang isiniwalat sa ginawang executive session ng komite.