3 barko ng Chinese Maritime Militia, muling tinaboy ng BFAR sa Sabina Shoal

Tatlo pang barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) ang itinaboy ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), sa Sabina Shoal sa West Philippine Sea.

Sa ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), namataan sa lugar ang tatlong barko ng CMM at hinamon ng BFAR MCS 3001 at BFAR MCS 3008 noong May 7 at 8.

Dahil sa mababaw na tubig sa shoal, gumamit ng mga rubber boat ang BFAR upang i-escort ang mga barko ng China palabas ng lugar.

Ito ang pangatlong pagkakataon na itinaboy ng mga awtoridad ang mga barko ng China, mula sa Sabina Shoal na 130 milya sa Kanluran ng Palawan, na sakop ng 200-mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Magugunitang itinaboy din mula sa naturang lugar ng Philippine Coast Guard at BFAR, ang pitong barko ng CMM noong April 27, at limang barko ng CMM noong April 29.

Tiniyak naman ng NTF-WPS, na magpapatuloy ang maritime patrols ng Phil. Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa WPS, upang itaguyod ang soberanya ng Pilipinas at karapatan ng bansa sa EEZ.