3 aplikante sa pagkapulis na nagsumite ng pekeng RT-PCR test, diskwalipikado

Permanenteng diskwalipikado na maging pulis at sasampahan ng kriminal na kaso ang tatlong aplikante sa Philippine National Police na nagsumite ng pekeng RT-PCR test.

Ayon kay PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, kasama ang tatlo sa 66 na police applicants sa Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na nahuling nagsumite ng pekeng dokumento.

54 na iba pang police applicants na mula sa Lanao Del Sur ay patuloy na iniimbestigahan habang cleared na ang syam na aplikante.

Sinabi ni PNP Chief na inamin ng ilang police applicants na hindi sila sumailalim sa swab test at nagbayad lamang ng 500 pesos para makakakuha pekeng RT PCR result.

Habang ang iba naman ay sumailalim sa swab test pero hindi raw nila alam na peke ang isinumite nilang RT-PCR result kaya sila ay subject ngayon sa imbestigasyon.

Paliwanag ng PNP Chief, wala nang pangalawang pagkakataon na ibibigay sa mga mandadaya sa kanilang aplikasyon dahil baka ang mga ito pa ang magtatanim ng ebidensya kapag sila ay maging pulis.