3 anggulo sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo, iniimbestigahan ng PNP

Tatlong anggulo ang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo nitong Linggo habang nagmimisa ang pari sa kapilya ng Nuestra SeƱoras Dela Nieve sa Brgy. Mayamot, Zaragosa, Nueva Ecija.

Ito ang iniulat ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, matapos na magbigay ng progress report sa kaso si PRO 3 Regional Director CSupt. Amador Corpuz nang magtungo ang PNP chief sa Zaragoza Police Station para personal na i-follow up ang imbestigasyon.

Sinabi ni Albayalde na posibleng away sa lupa, ang pagtulong ng pari sa biktima ng pangmomolestya, at alitan sa relihiyon ang tinitignan nilang posibleng motibo sa pagpatay sa pari.

Iniulat din ni Albayalde na may dalawang riding-in-tandem na itinuturing na ‘persons of interest’ ang pinaghahanap ng PNP matapos makunan ng CCTV sa bisinidad ng pinangyarihan ng krimen.

Ayon pa sa PNP chief, sa bagong development na ito, inatasan niya ang Special Investigation Task Group na nagsasagawa ng imbestigasyon na hulihin ‘as soon as possible’ ang mga suspek sa pagpatay.

Dagdag ni Albayalde, tila may pattern sa paggamit ng hired killers sa mga nakalipas na kaso ng pagpatay ng pari. | ulat ni Leo Sarne