2nd Infantry Division, sumabak na sa giyera kontra dengue 

Sumabak na ang 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division sa giyera kontra dengue.

Nasa 166 na sundalo mula sa iba’t ibang units ng 2nd ID ang  nakibahagi sa blood donation program upang makalikom ng dugo para sa mga biktima ng dengue.

Ang aktibidad ay isinagawa ng sabayan sa iba’t ibang units ng 2nd ID sa Southern Tagalog sa tulong ng Philippine Blood Bank, Red Cross, Rural Health Units, Department of Health at iba pang partner-agencies.

Ito ay kasunod ng panawagan ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Macairog Alberto sa mga sundalo na magpamalas ng “volunteerism” para matulungan ang mga biktima ng dengue.

Ang aktibidad na ito ng 2ID, na sa ngayon ay nakalikom na ng 74,700 cubic centimeters ng dugo, ay magpapatuloy para makatulong sa blood supply ng bansa, ayon kay Brigadier General Arnulfo Marcelo Burgos Jr., ang Commander ng 2ID.

Bukod dito, hinimok ni Brigadier General Burgos ang kanyang mga sundalo na maging aktibo sa 4 o’clock habit ng DOH, at sama-samang linisin ang mga pinamumugaran ng dengue mosquitos sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Photo courtesy: 2nd Infantry Division